Monday, 12 December 2016

Sanaysay tungkol Wikang Filipino

Pagsakay sa Tatag ng Filipino Bilang Wika ng mga Pilipino

Umiiral sa realidad sa Pilipinas na ang Filipino ay wikang panlahat. Nandyan ito, umiiral at ginagamit sa araw-araw na pakikipagtalastasan ng mga Pilipino. Mga Pilipino ang kusang tumanggap nito bilang wikang pambansa at naging katangi-tangi ang tatag nito dahil ito ang wika ng lipunang Pilipino. Kaugnay ito sa sinabi ni Pamela Constantino na, “Ang anumang kapangyarihan o puwersa ng wika ay itinalaga ng institusying sosyal.” Hindi maitatangging malakas sana ang puwersa at kapangyarihan ng wikang Filipino sa maraming larangan tulad ng edukasyon, batas, agham, teknolohiya at iba pa, ang kaso pinahihina at binabansot ng paniniwala ng nagkukunwang edukado at maraming politiko sa ating bansa.

Isang simpleng sitwasyon ang maaaring maging halimbawa na maraming nagkukunwang edukado ang salat pa rin ang kaalaman pagdating sa usapin hinggil sa ating sariling wika. Sa panahon na nililitis si dating Presidente Joseph Estrada sa kasong pangungurakot. May isang sitwasyon na nagpapakita ng maling pagtanaw sa wika ng mga mambabatas sa Pilipinas kaya hindi ito maisulong nang husto bilang wika sa larangan ng batas. Noong tinanong ni Hilario Davide (isang Cebuano), ang saksing si Emma Lim kung anong wika ang nais niyang gamitin sa pagtestimonya, sumagot si Lim na sariling wika ang gagamitin niya—ang Tagalog. Nakapagtataka ang sinabi ni Davide na wala silang interpreter mula Tagalog tungong Ingles, sa Filipino tungong Ingles ay mayroon. Tila hindi batid ni Davide ang pinagdaanang kasaysayan ng wikang Filipino. Dahilan kaya ang pagiging Cebuano niya? Ngunit nang magsalita si Senador Franklin Drilon na isang Ilonggo, sabi niya, hindi na kailangan ng interpreter sapagkat lahat naman sila ay mauunawaan ang testimonya kahit sa Tagalog.

Nabanggit din ni Constantino na taglay ng wika ang kakayahang baguhin ang paniniwala ng isang indibidwal. Sa pakikipag-ugnayan gamit ang wika, maraming bagay ang maaaring magbago. Kunsabagay, marami nang pangyayari sa Pilipinas na kinakitaan ng malaking pagbabago tungo sa pagsusulong ng wikang Filipino.

Ang matibay na halimbawa ay noong Agosto 20, 2007, tatlong korte sa Lungsod ng Malolos ang nagdesisyong gumamit ng Filipino sa paglilitis upang maisulong ang pambansang wika. Labindalawang istenograpo mula sa hukuman 6, 80 at 81 bilang modelong korte gamit ang wikang pambansa ang sumailalim sa pagsasanay  sa Marcelo H. del Pilar College of Law ng Bulacan State University bilang pagsunod sa direktiba ng Korte Suprema ng Pilipinas hinggil sa paggamit ng Wikang Filipino sa istenograpiya. Pangarap noon ng dating Punong Mahistrado na si Reynato Puno na pati sa Laguna, Cavite, Quezon, Nueva Ecija, Batangas, Rizal at Metro Manila ay maipatupad ang paggamit ng sariling wika sa paglilitis.

Dati pa man, sa sanaysay ni Virgilio Almario na may pamagat na “Filipino ang Filipino” nabanggit na niya ang maraming pagsisikap at eksperimento sa paggamit ng Filipino sa gawaing akademiko. Aniya, maraming gurong pasimuno sa mga unibersidad, lalo na sa UP, Ateneo de Manila, at De La Salle. Nangunguna raw si Dr. Virgilio Enriquez sa mga orihinal na saliksik sa sikolohiya sa wikang Filipino. Itinuro ni Fr. Roque Ferriols ang pilosopiya sa Filipino. Isinalin ni Judge Cesar Peralejo ang kodigo sibill at kodigo penal. Lumikha ng diksyonaryo sa kemika si Dr. Bienvenido Miranda at sa Medisina si Dr. Jose Reyes Sytangco. May libro sa ekonomiks si Dr. Tereso Tullao, Jr. sa wikang Filipino. May mga nagtuturo ng matematika sa Filipino. At marami nang jornal at monograp sa iba’t ibang disiplina na nakalathala sa Filipino. Kaya hindi totoo na kulang na kulang sa sanggunian at kakaunti ang naisasaling karunungan mula sa banyagang wika tungo sa wikang Filipino. Katunayan, patuloy ang Sentro ng Wikang Filipino ng Unibersidad ng Pilipinas sa paglalathala at pagpondo sa mga aklat na nasa Filipino. Nasabi na rin dati pa ni Almario, “Kung ang usapin ay ang paglilimbag ng mga materyales sa pag-aaral na nakasulat sa sariling wika, walang demand kaya hanggang ngayo’y walang pabliser na nagpapasimuno sa paglalathala ng aklat sa wikang Filipino sa iba’t ibang larangan.”

Ang lahat ng nabanggit na halimbawa ng pagsisikap tungo sa ikauunlad ng pagkatuto sa iba’t ibang larangan ay dahil sa puwersa at kapangyarihan ng wikang umiiral at nandyan lang. Hindi na dapat nating ipagtaka kung paano nagawa ang pagsasalin at pagpapabukal ng karunungan sa ibat’ ibang larangan gamit ang wikang Filipino. Angkop na angkop ito sa pananaw ni Umberto Eco sa kanyang sanaysay na “Language, Power, Force” binanggit niya, “We must not be amazed then to hear people say that the given language is power... because outside the given language there is nothing.”



No comments:

Post a Comment